btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis News Archive Directory Menu

Si John Wesley at ang mga Metodista

(John Wesley and the Methodism)

Isinilang si John Wesley noong Hunyo 17, 1703 sa Epworth, England. Siya ang ika-15 sa 19 na anak nina Samuel Wesley, isang ministro sa isang parokya ng Iglesia ng Inglatera (Anglican Church), at ni Susanna Annesley. Noong 1709 nasunog ang parokya ng Epworth at nasagip si John at ang kanyang kapatid na si Charles mula sa tiyak na kamatayan. Habang-buhay na natatak sa kanya ang pangyayaring iyon. Noong 1720 pumasok si John sa unibersidad ng Oxford kung saan bilang isang mahusay na mag-aaral ay pinili siya upang maging ‘fellow’ sa Lincoln College. Gayon pa man upang tuluyang matanggap ang ganitong karangalan ay kailangan na siya ay may katungkulan sa iglesya kaya noong 1725 ay inordinahan siya bilang diakono at pagkatapos ng tatlong taon ay inordinahan siyang pari sa Episcopal Church of England. Magmula noong 1729 si John at ang kanyang kapatid na si Charles ay nagsimulang magtipon kasama ang ilang kaibigan sa layuning sama-samang pag-aralan ang Biblia. Ilang taon ang nakalipas sumama sa kanila ang ilan pa kabilang sina James Hervey at George Whitefield. Binansagan ng ibang mga estudyante ng Oxford ang pangkat na pinangunahan ni Wesley na ‘Holy Club’. Ang mga estudyanteng iyon ay namumuhay nang magulo samantalang ang mga kasapi ng ‘Club’ ay namumuhay nang matino at sang-yon sa isang maayos na ‘metodo’ o palakad. Ilang estudyante ang nagsimulang magbansag sa kanila bilang mga ‘Metodista’ at ang taguring iyon ay nanatili hanggang sa kasalukuyan.


Noong Oktubre 1735 si Samuel Wesley ay pumanaw. Ang kanyang mga anak na sina John at Charles ay tinanggap ang isang tawag upang magmisyon sa Georgia sa Amerika. Sa paglalakbay nila patungo sa Amerika ay kanilang nakilala ang mga Alemang Moravians na pawang hinangaan ng mga Wesley dahil sa sinsero at mabuting pamumuhay ng mga ito. Ngunit sinuong ni John ang pagmimisyong ito sa kabila ng nalalaman niya sa kanyang sarili at inamin niya na hindi pa siya ligtas. Siya mismo ang sumulat, “Hindi ko pa nakamtan ang paglaya sa kasalanan, ni ang patotoo ng Espiritu, sapagkat hinanap ko ito, hindi sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi sa gawa ng kautusan.” Nagbalik si John sa London noong Pebrero 1, 1738 na bigong-bigo sa kanyang naging misyon at bigo sa kanyang naging relasyon kay Sophy Hopkey sa Georgia. Sa kasagsagan ng kanyang ‘espiritwal’ na desperasyon, sinangguni niya ang isang kaanib ng pangkat ng mga Moravian na si Peter Böhler. Nangaral si Böhler ng isang pananampalataya na may ganap na pagsuko, biglaang pagbabagong-loob at kagalakan sa pagsampalataya. Ngunit isang kataka-takang payo ang ibinigay niya kay Wesley: dapat anya ay ipangaral ni John Wesley ang Ebanghelyo hanggang tumanggap siya ng pananampalataya, at pagkatapos ay ipangaral niya ang Ebanghelyo dahil mayroon na siyang pananampalataya (Ano! Ipangaral ang Ebanghelyo na hindi mo sinasampalatayanan? Hikayatin ang mga tao na sampalatayanan ang hindi mo sinasampalatayanan? Ano kayang uri ng mga tao itong sina Böhler at Wesley?)! Noong Mayo 24, 1738 napilitang dumalo si John Wesley sa isang pagtitipon ng Iglesiang Anglicano sa Aldersgate Street. Napakinggan niya ang paunang salita ni Martin Luther sa kanyang Komentrayo sa Aklat ng Roma. Inangkin ni Wesley na siya ay 'naligtas' noong sandaling iyon.


Noong Abril 2, 1739 ipinangaral ni John Wesley ang kauna-unahan niyang sermon sa labas ng simbahan. Siya ay isang mahusay na taga-orgnisa. Ang kauna-unahang Methodist society na kanyang itinatag ay sa Bristol noong 1739. Noong Mayo 12 ng taong iyon ay naitayo ang kauna-unahang kapilya roon. Matapos na tuluyang makipaghiwalay sa mga Moravians at nang makabili ng isang gusaling dating pandayan upang gawing pook upang pagtipunan naitatag noong Hulyo 1740 ang purong Methodist United Society. Ang mga taong tumugon sa mga pangangaral ni Wesley sa iba’t ibang bahagi ng Inglatera ay tinipon niya sa mga ‘societies’. Noong 1744 tinipon ni Wesley sa London ang mga mangangaral. Iyon ang simula ng Annual Methodist Conference na siyang pinakatampok sa sistema ng oraganisasyong Metodista.


Noong 1751 ay napangasawa ni John Wesley si Molly. Ngunit ikinapighati ni Gng. Wesley ang madalas at matagal na pagkakalayo nila ni John, na nagawa niyang sabihin na hindi naman kailangan ni John Wesley ng asawa. Lingid marahil sa kabatiran ng karamihan nagkaroon si John Wesley ng mga kaugnayan sa iba’t ibang kababaihan na bagamang hindi naman masasabing mapakiapid ay hindi lehitimong gawain ng isang may-asawa at naging kapinsalaan kay Gng. Wesley (Murray, Iain. Wesley and Men Who Followed. Edinburgh: The Banner of Truth, 2003. p. 46). Batay sa mga liham ni John sa mga babaeng ito at sa kanyang mainit at malapit na pakikisama sa kanila, pinaratangan ni Molly Wesley si John na mangangalunya (Tomkins, Stephen. John Wesley: A Biography. Eerdmans, 2003. p. 197). Noong taong 1755 nakipaghiwalay si John Wesley sa kanyang asawa. Naging gayon kalayo sa isa’t isa ang dating mag-asawa na ilang araw na ang lumipas pagkalibing sa kanya bago pa nalaman ni John na pumanaw na ang kanyang asawa.


Ang maliit na pangkat ng mga Metodista ay lumago samantalang ipinagpatuloy ni Wesley ang kanyang pangangaral at pagpapalaganap ng kanyang mga maling aral. Sa buong buhay niya’y nangaral si Wesley sa libu-libo kung hindi man milyong katao. Inilathala ang 151 sa kanyang mga sermon, ang kanyang mga Journal, ang kanyang Notes on the Scriptures, at maraming mga aklat at polyeto. Hindi pa kabilang dito ang mga koleksyon niya ng mga himno na ang karamihan ay kinatha ng kanyang kapatid mismo na si Charles. Inilathala rin niya noong mga taong 1778-1791 ang The Arminian Magazine. Hindi tulad ng maramig duwag na Protestanteng teologo ngayon hayagang ipinakilala ni Wesley ang kanyang katapatan sa heretikong si James Arminius. Kinampihan niya ito sa kontrobersiya ng mga iglesyang Reformed (Calvinist) sa Europa noong unang bahagi ng ika-17ng siglo. Tinuligsa niya ang desisyon ng Synod of Dordt laban sa mga aral ni Arminius at ng kanyang mga disipulo. Noong taong 1834, 43ng taon pagkamatay ni Wesley ang mga Metodista ay mahigit isang milyon na. Ang mga pananaw ni Wesley ay naging batayan ng mga bulaang aral ng mga grupong Pentecostal at Charismatic, kaya naman si Wesley ang maituturing na espritwal nilang ninuno.


Isa sa mga pinakamahigpit na kritiko at kalaban ni John Wesley ay si Augustus Toplady na isang ministro sa Iglesia ng Inglatera at matigas na tagapagtanggol ng Calvinism (ang kasalungat ng Arminianism ni Wesley). Sa kanyang mga pakikipagtunggali laban sa Calvinism naging gawi ni Wesley ang magsinungaling, ang gumamit ng malabo at tusong pananalita (ambiguity) at ang magbago ng sulat at angkining kanya ang gawa ng iba (plagiarism).


Awtoridad ng mga Katuruan


Mistisismo


Lingid sa pag-aakala ng karamihan lalo na marahil sa mga Metodista mismo, hindi ang Biblia (na kinasihang Salita ng Diyos) ang ultimong batayan ni John Wesley ng katotohanan. Naging kaugalian niya ang gumamit ng palabunutan o sapalaran. Inamin niya mismo na ginagamit niya ito sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga bagay na kanyang pagpipilian sa ilang piraso ng papel at sapalarang bubunutin ang mga ito mula sa isang kupya. Natutunan niya ang gawaing ito sa mga Moravians habang patungo sila sa kanilang misyon sa Georgia (Journals 1:146). Isa pang lihis na kinaugalian ni John Wesley ay ang sapalarang pagbubukas ng Biblia kung saan ay matatagpuan doon umano ang kasagutan sa isang katanungan sa unang talatang kanyang makikita. Bagamang waring ginagamit ng pamamaraang ito ang Kasulatan, winawalang-halaga nito ang ‘buong panukala’ ng Diyos. Manapa’y kinukuha nito ang isang bersikulo at pipiliting sabihin nito kung ano ang nais ng nagtatanong na sabihin nito. Tulad ng aral ng Romano Catolicismo palihim na tinanggihan ni John Wesley ang kasapatan ng Biblia.


Itinanggi ang Pag-aaring Ganap sa Pamamagitan Lamang ng Pananampalataya


Tahasang kinalaban ni John Wesley ang Ebanghelyong itinuro ng Repormasyon—ang Ebanghelyong itinuro ni Martin Luther na ang paunang salita sa kanyang Komentaryo sa Aklat ng Roma ay inaangkin ni Wesley na naging daan upang siya ay maligtas sa Aldersgate!—Ang Ebanghelyo ng pagiging matuwid sa pamamagitan lamang ng pananampalataya (righteousness before God by faith alone) at hindi sa kahalong gawa. Ang doktrina niya ng pag-aaring ganap (Justification) ay tulad ng sa Catolico Romano: ang paggagawad ng biyaya (infusion of grace) upang ang makasalanan ay makagawa ng mabubuting gawa, na siya namang bahagi ng pagiging matuwid sa harapan ng Diyos. Tinutulan niya na itinuturo ng Biblia na ibinibilang (impute) ni Cristo ang Kanyang katuwiran sa kaninuman (Murray, Wesley, pp. 222, 219). Tulad ng Roma inireklamo ni John Wesley na ang justification by faith alone ay ginagawang walang ingat at masama ang mga tao. Inireklamo niya na kung ibinilang ni Cristo sa kanya ang katuwiran Nito sa sandaling siya’y sumampalataya, wala na siyang maidadagdag pang sarili niyang gawa sa katuwiran ni Cristo (Murray, Wesley, p. 220). Subalit itong inirereklamo niya ay siya mismong itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng tunay na mga Cristiano (Roma 3:28; Efeso 2:8, 9)!


Sinalungat ang mga Doktrina ng Bibliya


Pinangatawanan ni John Wesley ang doktrina ng ‘Free-will’ ng tao at ng umano’y katutubo nitong kabutihan at tinutulan na ang taong hiwalay kay Cristo ay hindi ganap na masama. Tinutulan niya ang Ebanghelyong ipinangaral ng mga Repormista ng ika-16 na siglo na nagturo ng Total Depravity. Tinuligsa rin ni Wesley ang katuruan ng Biblia na ang Diyos ang tangi at walang kundisyong pumili sa kung sino ang Kanyang ililigtas patungong langit o Unconditional election at nagtalaga kung sino ang habang-panahong mapapahamak sa impyerno. Lalong pinangatawanan ni Wesley na si Cristo ay namatay para sa lahat ng bawat indibidwal na tao samantalang tinuro ng Biblia at ng mga Repormista na si Cristo ay nag-alay lamang para sa mga pinili bago pa lalangin ang sanlibutan o Limited atonement. Kaugnay nito, palibhasa’y nakabatay sa umano’y free-will ng tao ang kaligtasan, at hindi kay Cristo, paniniwala ni Wesley na maaaring tanggihan ng makasalanan ang makapangyarihang pagbibigay-buhay ng Espiritu Santo, salungat sa aral ng Biblia na Irresistible grace. Winalang halaga ni Wesley ang kapangyarihan at katapatan ng Diyos sa pagtuturo niya na nawawala ang kaligtasan ng mananampalataya, taliwas sa Biblikal na aral ng Preservation/Perseverance of the saints. Samakatuwid, kinalaban ni John Wesley ang Ebanghelyo ng purong biyaya ng Diyos. Kaya nangyari sa kanya ang hatol ni apostol Pablo sa Galacia 1:6-9!


Muling Kapanganakan sa Bautismo sa Tubig


Tulad ng turo ng Romano Catolicismo at ng Kilusang Dating Daan ni Eli Soriano naniniwala si John Wesley na sa pamamagitan ng sakramento ng bautismo sa tubig ay ipinapanganak na muli ang isang tao (baptismal regeneration). “…Dito [sa bautismo] isang prinsipyo ng biyaya ay isinasalin, na hindi ganap na mawawala, malibang pawiin natin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng patuloy na kasamaan” (The Works of John Wesley. Baker Book House, Grand Rapids, MI. 1996. 10:192).


Perfectionism-Pangalawang Pagpapala


Ipinangaral ni John Wesley ang ‘Perfectionism’—na lahat dapat ng Cristiano ay magagawa at dapat na maging walang kasalanan sa buhay na ito. Ang ‘entire sanctification’ na ito umano ay nangyayari sa isang sandaling karanasan. Dapat, anyang nasain at asahan ng lahat ng Cristiano ang pangalawang biyayang ito pagkatapos na sila’y magbagong-loob (conversion). Ang doktrinang ito ni Wesley ay magbubunsod sa mga tao na maging desperado o kung hindi nama’y maging mga hipokrito.


Ang maling aral na ito ni Wesley ay batay sa katulad na doktrina ng Roma na ang kasalanan ay “kusang paglabag sa nalalamang batas”. Hindi ito umano kabulukan ng kalikasan. Ang ganitong doktrina ay ginagawa ang mga tao na Pelagians at Pariseo na ipinagmamalaki ang kanilang sariling kabutihan at hindi nangangailangan ng biyaya ng Diyos.


Bunsod ng kabulaanang ito kinunsinti ni John Wesley ang kakaibang pisikal na bunga ng ‘pangalawang pagpapalang’ ito ng ‘sinless perfection’ at gayon din kadalasan ng mga pangangaral niyang tinaguriang ‘revivalistic’. Sa ilalim ng mga pangangaral ni Wesley at ng kanyang mga kasama, ang mga naniwala sa mga aral niya ay nagsisitawang parang baliw, umaatungal, nangingisay at bumabagsak na waring walang malay. Sa mga pamilyar sa mga nangyari sa bulaang Toronto Blessing o Laughing Revival mula noong 1994, hindi na nakakagulat kung mailalarawan si Wesley na lumalakad sa gitna ng mga nakalupasay na katawan, ipinapanalangin ang mga nangingisay at hinihingal na mga tao.


Mapanganib!!


Nirerespeto si John Wesley hindi lamang ng milyun-milyong kaanib ng Iglesyang Metodista sa buong mundo kundi maging ng mga Protestanteng Calvinists na nagsasabing kamalian ang Arminiasmo. Hindi na nakakabahala sa mga taong ito ang Arminianismo ni Wesley basta’t marami siya umanong mabuti at dakilang ginawa. Ito ang dahilan kung bakit napakamapanganib ni John Wesley. Napagkaisa niya ang magkalabang Arminian at Calvinists. Maililigtas ng isang tao ang kanyang sarili kung pakikinggan niya ang matalinong babala ng isang taong nabuhay kasabay ni Wesley at higit siyang nakilala—si Augustus Toplady na nagbabala, “Naniniwala akong siya [si Wesley] ang pinakanakakamuhing kaaway ng sistema ng ebanghelyo na lumitaw sa Inglatera.”






The Bastion of Truth

imageyoucanhear

A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.